Ang Kumokonekta sa Atin: Mapanakit ng Damdamin, Dagat ang Lalim

 


“Maaaring payapa o kaya’y marahas ang alon at paggalaw ng dagat, maaaring mababaw at malalim ito, ngunit ang pag-agos at pagbabago nito ay magpapatuloy hanggang sa dulo ng panahon kagaya ng wika.”







    Mula sa payapang paggalaw nito hanggang sa mapuwersa at mapanakit nitong mga alon, walang makapaga-akala na ang wika ng isang tao ay maihahalintulad sa matingkad na asul na dagat.   

    Sa patuloy na paggalaw ng orasan ay maraming mga bagay sa mundo ang hindi kayang pigilan ng tao. Ang mga bagay katulad ng pera, impluwensiya, at karanasan ay walang silbi kung ihaharap sa kaibigan at kalaban ng lahat—ang pagbabago.

    Ang wika ay isa sa mga halimbawa nito. Patuloy ang pagbabago at patuloy ang pag-agos. Walang humpay at tubig ay patuloy na bumubuhos, gaya ng wika ng taong patuloy na nasasalinan at binabago-bago.

    Madaming tao sa mundo ang hindi bukas sa mga pagbabago na maaring mangyari sa kanilang buhay dahil mas ninanais nila ang dati at ang kanilang nakasanayan.

    Simula sa simpleng pagbati sa kapitbahay, hanggang sa komplikado at pormal na pag-sulat ng application letter ay ginagamit ng tao ang wika upang magbigay ng impormasyon at magkaunawaan. 

    “Oo”, “Hindi” Dalawang salita na karaniwan ang gamit ngunit depende sa konteksto, depende sa sitwasyon, at depende sa tao ay iba-iba ang maaaring maging epekto. 

    Madami ang magsasabi na ang dagat ay siyang naghihiwalay sa mga kontinente sa mundo, pero pagdating sa dagat na sumisibolo sa wika, ito ang siyang nagkokonekta sa bawat isa sa mga ito. Lahat ng tao ay nakasakay ngayon sa bangka habang patuloy na naglalakbay sa mundo na sinusuportahan ng wika ng mga tao, kung kayat’t di maiiwasan na minsan ay magka-aksidente rin dito.


    Takot, pagkamangha, lungkot, saya, pagkabighani, at pag-aatubili— iilan lamang iyan sa mga damdamin na nararamdaman natin kapag narinig ang salitang ‘dagat’ na ang kaakibat ngayon ay ang ‘kapangyarihan ng wika.’

    Pagkamangha, dahil sa lawak nito. Saya dahil madami pa tayong hindi nalalaman tungkol dito. Pagkabhani dahil tunay na napaka-lalim nito,… O hindi kaya ay tulad ng ibang tao na takot at pag-aatubili ang nararamdaman dito dahil sa mga naranasan nilang hindi kanais-nais noon.

  Pag-aatuili, dahil bawat usad ng kilos ng mga alon ay sumisibolo sa epekto nito sa tao. Dito makikita kung ano ang epekto ng simpleng mga salita ng bawat isa. Kung ito ba’y tiwasay na uri ng alon at maingat na papalapitin ka sa destinasyon na ninanais mo, o kung ito’y marahas na hampas na maarining sirain ang bangka mo.
    

   Kahit na ilang experto na ang sumubok na pag-aralan ang kung gaano nga ba kalalim at kalawak ang yamang tubig ay wala pading eksaktong sukat. Gaya ng nasabi, ang salita ng tao ay maaring kasing babaw ng lawa, o kasing lalim ng dagat na parang walang katapusan ang iyong paglubog kapag nalunod. 

    Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, ang wika ang siyang nag-uugnay sa bawat isa sa atin. Maaaring iba-iba tayo ng diyalekto O di kaya ng wika na ginagamit ngunit, pare-pareho tayong naglalahad ng opinyon, damdamin at impormasyon.

    Kaya aking masasabi na ang wika ay maihahalintulad sa alon na maaaring makatulong o di kaya’y makapanakit ng damdamin at higit sa lahat ay kagaya din ng tubig sa dagat na kahit walang tigil ang pagbabago nito habang lumilipas ang panahon ay patuloy parin ito sa pag-agos, pagdaloy, at pagkonekta sa iba't ibang mga tao, sa iba't ibang mga lugar— yan ang tunay na kapangyarihan ng wika.



---... -.--.-


Isinulat ni: Nichola Gayle D. Manguerra
Pangkat: 11-Prudence

Comments

  1. Mahusay Nichola!
    Napakamalikhain at tumpak na tumpak ang paglalapat ng simbulo sa iyong sulatin! Napakahusay!

    ReplyDelete
    Replies
    1. aww thank you po miss! sisikapin ko pong mas ayusin pa sa susunod! :>>

      Delete

Post a Comment